Noong ika-10 ng Hulyo taong 2020 ay ginanap ang kauna-unahang Virtual Brigada Eskwela Kick-off ng President Corazon “Cory” C. Aquino National High School (PCCCANHS). Sa ganap na ika-10 ng umaga ay natunghayan ng mga manonood na hindi hadlang ang pandemya upang idaos ang pag-aayos ng mga ekwelahan para sa darating na Taong Panuruan 2020-2021.

Nagtulong-tulong ang mga kaguruan, mga mag-aaral, mga magulang, mga kawani ng gobyerno sa iba’t ibang tanggapan, maging mga pribadong indibidwal at iba pang mga kasamahan sa paaralan upang matiyak na handa ang PCCCANHS sa darating na pasukan.

                Nagbigay ng iba’t ibang inspirasyonal na mensahe ang administrasyon ng paaralan sa pamumuno ni Dr. Efren E. Canzana, PSDS/OIC-Principal, at Dr. Cynthia D. Abella, Assistant Principal; mga Subject Area Coordinators; Parent-Teacher Association President Ma. Richi Grace R. Perlas; Barangay Chairwoman Julie Barrameda at Supreme Student Government President Joemar A. Golingan. Iba-iba man ang paraan ng kanilang pagkakasabi, ngunit iisa lamang ang diwa ng kanilang mensahe – at ito ay ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga Corazonians sa gitna ng nararanasan nating pandemya.

                Narito ang ilan sa mga mahahalagang kaganapan sa Brigada Eskwela 2020: (1) Orientation on the Covid-19 Situation and Scenarios with Nurse Bhoynafe A. Gallo, ika-17 ng Hulyo, 2020; (2) A Training on Psychological First Aid with Mr. Israel V. Guese, ika-24 ng Hulyo, 2020; (3) Blood Donation Campaign at Philippine Red Cross – Pasay City Chapter, ika-28 ng Hulyo, 2020.

                Noong ika-13 ng Agosto naman, taong 2020, ay nagkaroon ng Birtuwal na Oryentasyon Para sa Gampanin ng mga Magulang Para sa Pag-aaral ng Kanilang mga Anak sa “New Normal.” Dito tinalakay ang mga dapat tandaan sa pagbubukas ng klase. Dumalo ng mga seminar-workshop ang mga guro upang maging handa sa kanilang pagtuturo. Nagdaos din ng mga simulation kung (A) papaano mamahagi at magsauli ng mga Self Learning Modules at (B) papaano gamitin ang Google Classroom.

                Noong ika-29 ng Setyembre ay isinagawa ang paggawad ng karangalan sa mga major sponsors ng ating paaralan. Ilan sa ating mga panauhin ay nagmula sa National Museum, Philippine Trade Training Center at Philippine Economic Zone Authority – Taguig. Pinarangalan din ang mga naging resource speakers at ang mga masisipag na GPTA officers. Nasorpresa ang lahat nang biglang dumating si Konsehal Joey Calixto Isidro upang maghandog ng UV Disinfecting Machine na makakatulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral ng ating paaralan.

Isinulat ni:

Bryan S. Balao

Brigada Eskwela Coordinator