Setyembre 7, 2026 | School News and Events
Buong siglang ipinagdiwang ng President Corazon “Cory” C. Aquino National High School ang Buwan ng Wikang Pambansa 2026 sa temang“Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” Layunin ng pagdiriwang na palalimin ang pagmamahal ng mga mag-aaral sa wikang Filipino, itaguyod ang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino, at ipakita kung paano magagamit nang wasto at responsable ang makabagong teknolohiya sa pagkatuto.
Naging makulay at makabuluhan ang selebrasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing nagbigay-daan sa mga mag-aaral upang maipamalas ang kanilang talento, kaalaman, at pagkamalikhain. Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang pagsusuot ng pambansa at katutubong kasuotan, pagtatanghal ng mga katutubong sayaw, balagtasan, paggawa ng poster sa tulong ng artificial intelligence o AI, at paglikha ng mga patalastas o infomercial.
Sa bawat gawain, naipakita ng mga mag-aaral na ang wikang Filipino ay hindi lamang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Isa rin itong buhay at patuloy na umuunlad na wikang maaaring gamitin sa pananaliksik, malikhaing pagpapahayag, at responsableng pakikipag-ugnayan sa makabagong mundo.
Isinagawa noong Setyembre 7, 2026 ang pangwakas na programa, kung saan kinilala ang husay at aktibong pakikilahok ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggawad ng mga sertipiko. Nagbahagi rin ng mga makabuluhang mensahe sina Dr. Sonny J. Adriano, Punungguro; G. John Paul G. Madeja, Nanunuparang Guro sa Kagawaran ng Filipino; at Bb. Danielle B. Villezca, Tagapayo ng Filipino Club.
Binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang tungkulin ng bawat Pilipino sa pagpapayaman, pangangalaga, at pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ipinaalala rin nila na kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ay ang responsibilidad na gamitin ito nang matalino, makabuluhan, at may paggalang sa katotohanan, kultura, at orihinal na likha ng bawat isa.
Naging matagumpay ang pagdiriwang dahil sa sama-samang pakikiisa ng mga mag-aaral, guro, kawani, at ng buong komunidad ng paaralan. Higit sa pagtatanghal ng talento, pinatunayan ng programa na ang wikang Filipino ay nananatiling mahalagang tulay sa pagkakaisa, pagkatuto, at pagpapanatili ng mayamang kulturang Pilipino.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, patuloy na hinihikayat ang bawat mag-aaral na gamitin at ipagmalaki ang sariling wika, hindi lamang tuwing Buwan ng Wika kundi sa araw-araw na pakikipagtalastasan at pag-aaral.
Wikang Filipino: ipagmalaki, pagyamanin, at gamitin! -JPMadeja